Bakit nga ba hindi puwede?

1. Hindi tayo binigyan ng Utos na mamuno ang mga babae

     Tingnan natin ang halimbawa ng Panginoong Hesus sa Kanyang pagmiminesteryo sa Israel. Pansinin natin na ang Panginoon ay pumili ng Kanyang labindalawang (12) mga alagad (Mateo 10). Pumili uli ang Panginoon sa isang pagkakataon at dito ay pitumpu (70) ang Kanyang kinuha (Lukas 10:1). Bakit na naman hindi Niya sinamahan kahit kaunting bilang ng mga babae man lang?  Dito natin makikita na kahit ang Panginoong Hesus noong Siya ay nagmiminesteryo dito sa lupa ay hindi naglagay ng mga babae sa panunongkulan. Batid Niya ang kakayahan ng mga babae at lahat ng tao (Juan 2:24-25) at batid Niya kasi na ang mga babae ay hindi puwede sa pamumuno ayon sa Kanyang pamantayan. Kaya kung merong tutularan ang mga namumuno ngayon sa mga kapulungan ay isa na ang ganitong ginawa ng Panginoon kung pagpili sa mga mamumunong lingkod ang kailangan. Kaya’t ako’y naniniwala na ang sinasabing mga binigyan ng kaloob sa mga talata sa Efeso 4:8 at 11 ay tumutukoy sa mga lalaki lamang.Kung merong utos ay puro pagbabawal. “Ang mga babae ay matuto na manahimik nang may buong pagpapasakop.Subalit ako’y hindi nagpapahintulot sa isang babae na magturo, ni mang-angkin ng pamumuno sa lalaki, kundi na siya ay manahimik.” 1 Tim.2:11-12

Bawal kung merong lalaki na makikinig sapagkat ito ay pag-aangkin ng pamumuno sa lalaki. At kung sa usapin ng pagtuturo ng mga saligang aral ay lalong hindi puwede silang magturo sapagkat lalaki ang gumagawa nito. Maaari pang maikonsidera na ang babae ay magturo kung sa bible study o pagtitipon kung saan puro lamang sila babae. Pero dagdag pa ni Pablo; “Hayaang ang inyong mga babae ay manatiling nananahimik sa  mga iglesia: sapagkat ito’y hindi ipinapahintulot sa kanila na magsalita; subalit sila ay inuutusan na mapasailalim sa pagsunod, gaya rin ng sinasabi ng kautusan.At kung sila’y may matututunang anumang bagay, ay sila’y magtanong sa kanikanilang mga asawang lalaki sa bahay: sapagkat ito’y kahiya-hiya para sa isang babae na magsalita sa ng iglesia.”1 Kor.14:34-35                              

2.Hindi tayo binigyan ng batayan kung ano ang nararapat na babae sa ministeryo.                                        

     Naniniwala ako na maging sina Pablo at mga alagad ay meron ding ganyang katanungan tulad sa katanungan natin patungkol sa mga babae kung nararapat silang mamuno.Subalit makikita natin na sa unang Tito  at sa 1 Timoteo 1 at 3 ay binabanggit lamang ang mga katangian ng mga Pastor at mga matatanda (Elder) sa iglesia at nabanggit na mga lalaki lamang ang mga ito. Kaya salungat sa Salita ng Dios ang pagkakaroon  ng mga ‘Pastora’, Deakonesa, elder, maging mga presider o ‘MC’ kung tawagin. Kung hindi tayo binigyan ng batayan sa kung anong pag-uugali o katangian meron ang isang babae na mamumuno ay hindi natin puwedeng sabihin na kokopyahin na lamang natin ang mga katangian na nabanggit ayon sa mga talata sa aklat ng Timoteo at Tito na para lamang sa mga lalaki. Kung merong pag-uugali na ibinigay sa atin patungkol sa mga babae ay ito’y sa kanyang pag-uugali sa pamilya, ang kanyang relasyon sa asawa at responsabilidad sa mga anak.At kagaya ng una nang nabanggit kung sa kunteksto ng kapulungan,na silang mga babae ay tumahimik lamang.

Pansinin din na kahit sa pamumuno sa pamamahala sa pagkain para sa mga babaing bao ay mga lalaki ang pinili at hindi mga babae (Mga Gawa 6:1-3).“Sa ganitong kadahilanan, mga kapatid, tumingin kayo sa gitna ninyo ng pitong mga lalaki na may mabuting katunayan, puspos ng Banal na Espiritu at karunungan, na siyang ating mailalagay sa ganitong Gawain.” Mga Gawa 6:3 Ganon din sa mga magdadala ng kaloob at sa mga patotoo (2 Korinto 8:18-20,22).

3.Hindi Babae ang may pamamahala sa Ministeryo ng Salita

     Balikan muna natin ang nangyari sa halamanan ng Eden at tingnan natin na ang malalalim na dahilan ng pagkakasala ni Adan ay hindi lang dahil kumain siya ng ipinagbabawal ng Dios.“At kay Adan kanyang sinabi, dahil nakinig ka sa tinig ng iyong asawa, at kumain mula sa puno, na siyang aking iniutos sa iyo, na sinasabi, Huwag kang kakain niyaon: sumpain ang lupa dahil sa iyo; sa iyong pagpapagal ikaw ay kakain mula sa kanya sa lahat ng mga araw ng iyong buhay;” Hen.3:16-17

“At si Adan ay hindi nadaya, kundi ang babae nang madaya ay nasa pagsalangsang.” 1 Tim.2:14

     Desenyo ng Dios ang pamumuno ng lalaki sa pamilya (Efeso 5:22-23; 1 Korinto 11:3), lalong higit sa ‘church’ o iglesia (Efeso 5:24). Panginoon na rin ang nagsabi kahit sa bansang Israel, na kung babae ang mamumuno ay pagkaligaw lamang ang resulta nito. “Patungkol sa aking bayan, mga bata ang sa kanila’y mamimighati , at mga babae ang namumuno sa kanila. Oh aking bayan, sila na mga nagsisipanguna sa iyo ay mangadudulot sa iyo sa pagkakamali, at sisira ng daan ng iyong mga landas.” Isa.3:12

4. Inuudyukan ni Satanas ang mga babae upang iligaw ang mga lalaki

  • Sa una pa lamang sa Aklat ng Genesis ay babae (Eva- Henesis 3:1-6) ang dinaya ni Satanas at kinasangkapan para iligaw ang lalaki sa kalooban ng Dios. Dito natin makikita na si Satanas ay hindi kumikilala sa pamumuno.Kung ang Dios ay nag-utos kay Adan, siya naman ay nag-udyok kay Eva. Tingnan pa natin ang mga iba pa;
  • Ang asawa ni Lot ang natukso na lumingon at naging poste ng asin (Henesis 19:26)
  • Si Rebecca na asawa ni Jacob ang nagnakaw at nagdala ng dios-diosan at itinago pa niya ito upang ‘di maibalik sa kanyang  ama (Hen. 31:19-34).
  • Si Tamar ang nagkunyaring patutot at nandaya kay Judah na kanyang biyenan  (Henesis 38:6-26)
  • Ang asawa ni Potiphar ang ginamit ng kaaway upang tuksuhin si Joseph at naging dahilan ng pagkakakulong nito (Henesis 39:7-20)
  • Mga anak na babae ng Moab ang ginamit sa mga Israelita para sila ay magkasala sa pamamagitan ng pakikiapid at pagsamba sa mga dios-diosan (Mga Bilang 25:1-3)
  • Si Delilah ang ginamit ng mga Filesteo para panghinain si Samson (Mga Hukom 16:4-21)
  • Si Saul ay ginamitan ng kaaway ng babae na may masamang espiritu (1 Samuel 28:7-19)
  • Si Bathsheba ang kinasangkapan ni Satanas para tuksuhin si David na hari (2 Samuel 11:1-17,27) at magplano pang ipapatay ang asawa nitong si Uriah upang maangkin lamang.
  • Mga babae ang ginamit ni Satanas kay Solomon na hari (1 Hari 11:1-11).
  • Babae ang kinasangkapan ni Satanas para udyokan si Job na sumpain na niya ang kanyang Dios (Job 2:9).
  • Mga babaeng palasalungat o rebelde ang nag-udyok sa mga asawa nila ang ginamit ng kaaway para sumamba sa dios-diosan na tinatawag na “Reyna ng Kalangitan ”(Jeremias 44:15-17-23)
  • Ang Babaeng si Jezebel na manggagaway (2 Hari 9:22) ang kinasangkapan ng kaaway upang ipapatay ang mga propeta ng Panginoon (1 Hari 18:4; 13) at nag-udyok sa kanyang asawa para gumawa ng matinding kasamaan (1 Hari 21:11,25)
  • Isang babae sa ngalang Athaliah ang ginamit ng kaaway sa pagpatay sa mga lahi ng Judah na may dugo ng hari o dugong bughaw (2 Kronika 22:10)
  • Mga Babaing sina Herodias at anak nito ang kinasangkapan ng kaaway upang mapugutan si Juan na nagbabawtismo (Markos 6:17-28)
  • Isang Babaeng manghuhula ang ginamit ng kaaway para sa pagpapakilala kay Pablo at sa pagpapakulong sa kanya (Mga Gawa 16:16-24)
  • Isang babae (Jezebel) ang ginamit ng kaaway upang mandaya at magsilbing propeta at tagapagturo (Pahayag 2:20). Ang kaaway ay kayang magpakita ng kagilagilalas (Lukas 4:5), o gumawa ng isang pangyayari (Job 1:6-19; Pahayag 13:11-15), o magnakaw, manira at pumatay (Juan 10:10).                           

5.Hindi dahilan ang kagustuhan ng mga babae na makapaglingkod

     Sa Salita ng Dios, hindi dahil gusto mong maglingkod, o maraming sumasang-ayon sa iyo, ay pwede ka na na maglingkod. Dapat muna nating itanong sa Dios, hindi sa mga tao, kung pwede ba o hindi. Tingnan din natin na kahit sa pagkasaserdote sa Israel ay walang binabanggit na mga babae mula sa lahi ng mga Levita na pinili ng Panginoon. Ito’y dahil ang mga paganong bansa lamang ang merong mga saserdote noon na babae. Sa pag-aalay lamang ng insenso sa Panginoon ay dapat mula ka sa lahi ni Aaron at hindi puwede na isa kang taga-ibang lahi (Mga Bilang 16:40). Gaano pa kaya kung babae?

     Pansinin din natin ang nangyari kay Korah na isa nang lalaki at Levitang saserdote, subalit ang Dios ay ‘di pa rin nalugod sa kanya at sa mga kasama nito (Mga Bilang 16:1-50; 26:10). Binabanggit din na ang mga sumasalungat sa pamantayan ng Dios ay pinaparusahan, maging yaong sa kanila ay sumasang-ayon. Katulad ng mga taong ito (Mga Bilang 16:41), gustong gusto pa nila yaong mga hindi nararapat kaya labing-apat na libo (14,700 Mga Bilang 16:49) ang sa kanila’y mga namatay bukod pa ang dalawandaan at limampu (250) na kasama ni Korah.

     Ayon din sa Salita ng Dios, sa usapin ng mga kamalian ay may mga dapat sana na sila ang nagtuturo ng tama (Roma 1:32) subalit sila pa ang sumasang ayon at nag-uutos na gawin ang mga kamalian. At maging yaong mga nagtuturo ng tama ay sinasabihan pang mga nagtuturo ng masama (1 Korinto 10:30; 1 Pedro 4:14; 2 Pedro 2:2)