Paglilinaw

     Hindi natin layunin na ibaba ang dangal ng mga kababaihan o maliitin ang kanilang kakayahan at pagnanais na makapaglingkod sa Dios. Nais lamang natin na bigyang linaw ang kanilang bahagi o magagawa sa ministeryo ayon sa kalooban ng Dios lalo na kung patungkol sa pamumuno o pangunguna. Siyasatin natin sa liwanag ng Salita ng Dios kung marapat ba ang tradisyon na ipinapatupad ng marami.

Babala rin sa atin ng Salita ng Dios na huwag magturo ng ibang katuruan “Gaya ng aking ipinamamanhik sa iyo na ikaw ay manatili sa Efeso, nang ako’y pumaroon sa Macedonia, upang iyo nawang mapagbilinan ang iba na sila’y  huwag magsipagturo ng ibang aral,”1 Tim.1:3 kung saan ang iba ay mga nalihis na sa kanilang pagnanais na magturo ng isang bagay na hindi naman nila naiintindihan(1 Tim.1:6-7).

At kahit ang mga bagay na isinusulat kong ito ay huwag ninyong basta paniwalaan maliban na lang na inyong tingnan din ang kasulatan kagaya ng ginawa ng mga taga-Berea (Mga Gawa 17:10-11) sa pagtuturo ni Pablo na apostol.

“Ang mga ito’y mas lalong mararangal kesa sa mga taga-Tessalonika, sa dahilang kanilang tinanggap ang salita nang may buong kahandaan ng kanilang isip, at sinisiyasat ang mga kasulatan araw-araw, kung ang mga bagay na ito ay totoo.” Mga Gawa 17:11