Sagot sa mga Tanong 1-10

1.Si Maria ba ay anak ni Santa Ana at namasukan sa kumbento?

Si Maria na kinikilala ng Marami ay may ilang detalyeng nabanggit tungkol sa kanyang buhay. Mahalaga na matukoy natin ang kanyang pamilyang pinagmulan upang mabura ang mga kasinungalingang ginawa sa kanya.

     Ang angkan ni Maria ay mula sa lipi ni Aaron. Ito’y dahil ang kanyang pinsan na si Elizabeth (Lk.1:36 ) na asawa ni Zacharaias at ina ni Juan na nagbabawtismo, ay nabanggit na mula sa mga anak na babae ni Aaron (Lk.1:5).  “ Mayroon sa mga araw ni Herodes, ang hari sa Hudea, na isang saserdote na nagngangalang Zacharias, mula sa pulutong ni Abiha: at ang kanyang asawa na mula sa mga anak na mga babae ni Aaron, at ang kanyang pangalan ay Elizabeth.” Luk 1:5

     Binabanggit din ang kanyang asawa na si Jose (mula sa lipi ni Huda Mt.1;) at ang kanilang mga anak na lalaki at babae (Mt.13:55-56). Nabanggit din na meron pa siyang mga kamag-anak (Lk.2:44).

Subalit si Maria ay hindi anak ni santa Ana. Totoong sa Biblia ay may babaing ang pangalan ay Ana subalit siya ay babaing bao at hindi man lang sinabi na may relasyon sila ni Maria (Lukas 2:36-37). “At mayroong isang Ana, isang babaing propeta, na anak na babae ni Phanuel, mula sa lipi ni Aser: siya ay napakatanda na, at namuhay ng pitong taon kasama ng asawa mula sa kanyang pagkadalaga. At siya ay isang bao na at ang edad ay walumpo’t apat na mga taon, na hindi humihiwalay sa templo, kundi naglilingkod sa Dios na may pangingilin at mga panalangin sa gabi at araw.”

     Si Ana ay naglingkod sa Dios sa templo at hindi sa kumbento. Ang kumbento kasi ay sa mga madre subalit hindi kailan man naging madre si Ana o maging si Maria. Nabanggit din ang mga magulang ni Ana na si Fanuel (36) subalit hindi ito sinabing lolo ni Maria. Mapapansin na sa bersikulo 38-39 ay hindi man lamang sinabi ni Ana na apo n’ya ang Panginoong Hesus o sinabi man lang na mag-ina sila ni Maria. Hindi na nabanggit ang mga magulang ni Maria kaya hindi si Ana ang magulang nito. Ito ay imbento lamang sa mga sulat ng aklat na “Pasyon”.

Patungkol sa kanyang ginawa sa pagkadalaga ay hindi totoo na pumasok siya sa kumbento kundi ibinatay lamang sa aklat na gawa ng tao na “Pasyon” (p.12).

2.Si Maria ba ay birhen pa?

Hindi na birhen si Maria. Bago maipanganak ang Panginoong Hesus sa laman at kahit naipanganak na Siya, ay hindi nasira ang pagkabirhen ni Maria dahil sa impluwensya ng Banal na Espiritu. Subalit nang magkaroon na ng ugnayan si Maria kay Jose, at nang magkaroon pa ito ng mga anak gaya nina Santiago, Jose, Judas, Simon at mga babae (Markos 6:3, Mateo 13:55-56) ay nasira na ang pagkabirhen ni Maria dahil ito ay hindi na naglihi sa pamamagitan ng Banal na Espiritu. “Hindi baga ito ang karpentero, na anak na lalaki ni Maria, na kapatid nina Santiago, at Jose, at ni Judah, at ni Simon? at hindi baga ang kanyang mga kapatid na mga babae ay kasama natin? At sila ay nasaktan sa kanya.” Markos 6:3

     Mahalaga ito upang maunawaan natin kung bakit hindi na dapat tawaging “birhen” si Maria. Ang birhen kasi ay tumutukoy lamang sa kalagayan na wala pang asawa (1 Korinto 7:34) hindi sa pagkakaroon nito ng mga supling. At dahil nagkaroon na siya ng mga anak kay Jose, na kung saan walang impluwensya ng Banal na Espiritu, ay hindi na siya maituturing na birhen. Isa pa, si Maria ay hindi man lamang tinawag ng mga alagad na ‘birhen Maria’, ni ng kasulatan, na para bagang kakabit na ito ng kanyang pangalan, gaya ng pagtawag na ginagawa ng iba.

3.Si Maria ba ay walang kasalanan?

Meron. Si Maria ay may kasalanan dahil sinasabi ng kasulatan na ang lahat ng mga tao ay nagkasala (Roma 3:10,23; 5:12) dahil sa ito ay makasalanan .

“Sapagkat ang lahat ay nagkasala, at hindi nakaabot sa kaluwalhatian ng Dios;”Rom.3:23

 “…Walang matuwid,wala,ni isa.”Rom.3:10

Hindi siya ipinagbuntis sa pamamagitan ng Espiritu Santo kaya siya man ay nauugnay sa makasalanang si Adan at nakamana ng kasalanan sa sinapupunan pa lamang (Mga Awit 51:5). “Narito, Ako ay inanyuan sa kasamaan; at sa kasalanan ay ipinaglihi ako ng aking ina.” (Mga Awit 51:5)

     Bagaman siya ay nilukuban ng Banal na Espiritu ay hindi sinasabi na nawala ang kanyang kasalanan. Tanging sa Pasyon lamang sinasabi ang kasinungalingan na ‘di nagkamit ng kasalanan at ‘di nahawa ng kaunti man sa salang mana kay Adan itong si Maria(Ayon sa Pasyon-.p.200 at 205.) “At si Maria ay nagsabi,Ang aking kaluluwa ay dumadakila sa Panginoon, At ang aking espiritu ay nagalak sa Dios na aking Tagapagligtas.” Lukas 1:46-47

     Ang nagkasala lamang ang nangangailangan ng Tagapagligtas. Kaya sa pagsasabi ni Maria ng ganitong mga bagay ay sinasabi niya sa atin na katulad din natin siya na isang taong makasalanan ayon sa Salita ng Dios.

4.Tama bang tawagin si Maria na “ina ng Dios”?

Hindi marapat na tawagin si Maria na “ina ng Dios”.. Kung sa pisikal na kalikasan ay walang “ama‟ ang Panginoong Hesus (pansinin ang sinabi Niya sa Lk.2:48-49)“At nang kanilang Makita siya, sila ay namangha: at ang kanyang ina ay nagsabi sa kanya, Anak,bakit ikaw ay gumawa ng ganyan sa amin?  narito, ang iyong ama at ako na hinahanap kang may hapis. At sinabi niya sa kanila, Bakit ninyo ko hinahanap? di baga ninyo alam na dapat akong nasa gawain ng aking Ama?”Lk. 2:48-49 

Lalong higit sa espiritwal na kalikasan bilang Dios ay wala rin siyang “ina”. Hindi kailan man nabanggit sa Salita ng Dios na si Maria ay tinawag na “Ina ng Dios“. Mapapansin na maging ang tawag ng Panginoon sa kanya ay “babae” (Juan 2:4, 19:26-27) at hindi kailan man tinawag na “ina”. “At sinabi sa kaniya ni Jesus, Babae, anong pakialam ko sa iyo? ang aking oras ay hindi pa dumarating.”Jn. 2:4 

Mahalaga itong makita dahil ang Panginoong Hesus ay tinawag bilang “Son of God” at ang Dios ay tinatawag Niyang “Ama” dahil ito ang Kanyang relasyon sa Ama, pero wala tayong mababasa na salitang “Father of God” na binanggit patungkol dito kaya hindi rin pwede ang “Mother of God” kahit na sa pisikal ay ina siya ng

Panginoon. Kung dahil sa ina siya ng Panginoon ay pwede na siyang tawaging ina ng Dios, mangyayari ay pwede na rin palang tawagin si Elizabeth na Auntie ng Dios, at si Juan na nagbabawtismo na pinsan ng Dios. Pero ito’y hindi maaari. Hindi mahalaga ang pagkapakahulugan ng tao na salungat sa Salita ng Dios.

     Sa Biblia ay mababasa natin na tinawag sy’a bilang birhen (Mt.1:23) subalit nang siya ay makapanganak na sa kanyang mga anak kay Hose (Mateo 13:55-56) ay nawala na ang kanyang pagkabirhen, at sa kasulatan ay ‘di na siya tinawag ng ganon. Siya rin ay tinawag bilang “kanyang ina” (Mt.2:11,14 ) “ina ni Hesus” ( Jn.2:3) “Babae” (Jn.19:26) at sa karaniwang tawag na “Maria” (Mga Gawa 1:14). Bukod sa mga ito ay wala nang iba pang pagtawag para sa kanya. Kaya hindi dapat tawaging ina ng Dios si Maria dahil baka isipin ng tao na Dios na rin siya o kaya asawa siya ng Dios (Ang aklat na Pasyon lamang ang nagtuturo ng ganyan). Hindi itinuturo ng kasulatan na dahil si Maria ay tinatawag na “Ina ni Hesus” ay siya ay asawa ng Dios o kaya Dios na rin. Hindi rin itinuturo na dahil sa ang Panginoong Hesus Kristo ay Dios ay puwede nang tawaging “Ina ng Dios” si Maria.

5.Si Maria ba ay ina rin natin?

Ang binatayan ng mga paring Katoliko ay ang mababasa sa Juan 19:26-27, “Nang makita nga ni Jesus ang  kanyang ina, at ang  nakatayong alagad, na kaniyang iniibig, ay sinabi niya sa kaniyang ina, Babae, narito, ang iyong anak! At sa gayo’y sinabi niya sa alagad, Narito, ang iyong ina! At mula sa oras na yaon ang alagad ay tinanggap siya  sa kaniyang sariling

tahanan.”

Ito ay nang sabihin ng Panginoon sa alagad na si Juan na nasa kanyang paanan na si Maria ang ina nito. Hindi naman sinasabi na tawagin nating ina si Maria, kundi sa Kanyang pag-alis ay ihinahabilin Niya ito sa alagad na kanyang minamahal, si Juan (Juan 20:2).

Hindi itinuturo ng kasulatan na ina rin natin si Maria. Totoo na kapag ikaw ay nanalig sa Panginoong Hesus ay binigyan tayo ng karapatang maging mga anak ng Dios ( Jn.1:12 ) at makakatawag sa Dios bilang ating Ama pero hindi roon kasama ang pagtawag kay Maria na ina natin. Mapapansin na maging ang mga alagad ay walang ganyang tradisyunal na pagtawag sa kaniya. Kahit sa mga sulat ni Pablo para sa atin ngayon ay hindi man lang naituro na tumawag tayo sa kanya na ina, o hindi man lamang nabanggit o binigyang diin na mahalaga ang ganyang pagtawag. Ni hindi sa atin itinuro ni Pablo, maging nina Pedro, na may kahalagahan sa relasyon natin sa Dios si Maria. Ang sabi pa ng Panginoon, ang kanyang ina at mga kapatid ay yaong gumagawa ng kaloobang ng Kanyang Ama. (Mateo 12:46-50; Markos 3:35; Lukas 8:21)

6.Si Maria ba ay makapagliligtas sa mga tao?

indi. Ayon sa Biblia si Maria mismo ay nagsasabing meron siyang Tagapagligtas (Lukas 1:47).

“At si Maria ay nagsabi, Ang aking kaluluwa ay dumadakila sa Panginoon, At ang aking espiritu ay nagalak sa Dios na aking Tagapagligtas.” Lukas 1:46-47

Papaano ka makakapagligtas kung ikaw mismo ay nangangailangan ng Tagapagligtas?

Sinasabi rin sa atin na sa Mga Gawa 4:12 “Ni walang kaligtasan sa iba: sapagkat walang ibang pangalan sa silong ng langit na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas.” (Mga Gawa 4:12)

 (“Sa kanino mang pangalan ay walang kaligtasan” -tingnan mula sa bersikulo 10) at ito’y dahil sa Pangalan lang ng Panginoong Hesus ang bukod tanging ibinigay ng Dios sa silong ng langit upang ang lahat ng tao ay maligtas. Ang Panginoong Hesus lamang ang Tagapagligtas (1 Timoteo 1:15; Tito 2:13-14). Walang ganyang paniniwala ang mga alagad na si Maria ay Tagapagligtas at hindi kailan man idineklara si Maria na Tagapagligtas.

7.Pwede bang mamagitan sa Dios at sa tao si Maria?

H

indi. Iisa lamang kasi ang Tagapamagitan na nais ng Ama na ating dapat na kilalanin at walang iba kundi ang Panginoong Hesus (1 Timoteo 2:5). Kung ang tao ay lalapit sa Dios sa pamamagitan ng Panginoon ay makakaityak tayo (Efeso 2:18, 3:12; Hebreo 7:25), subalit kung sa iba ay mapapahiya lamang tayo.

“Sapagkat may isang Dios, at isang tagapamagitan sa pagitan ng Dios at mga tao, ang lalaking si Kristo Hesus.”

1Ti 2:5

At hindi rin tinuturo ng Salita ng Dios na kailangan natin ng tagapamagitan para makalapit sa Panginoong Hesus. Dios lamang ang gumagawa para makalapit tayo sa Panginoon. “Walang taong makakalapit sa akin, maliban kung ang Amang nagsugo sa akin ang maglapit sa kanya ; at akin siyang ibabangon sa huling araw. Ito’y nasusulat sa mga propeta, At silang lahat ay tuturuan ng Dios. Bawa’t  taong samakatuwid ay nakarinig, at nangatuto mula sa Ama, ay lumalapit sa akin.” Jn. 6:44 

8.Pwede bang magtiwala kay Maria?

H

indi. Sinasabi ng Kasulatan na susumpain ang tao na nagtititwala sa tao (Jeremias 17:5). “Sinasabi ng PANGINOON; Sumpain ang tao na tumitiwala sa tao, at ginagawang laman  na kaniyang bisig, na ang puso ay humihiwalay sa PANGINOON.”Jer 17:5 

Walang utos ang Dios na magtiwala tayo kay Maria o kahit na ibaling ang pananampalataya sa kanya. Ang pananampalataya ay dapat sa Panginoong Hesus lamang. Ganito ang utos ng Dios kay Pablo. “Upang idilat mo ang kanilang mga mata, at upang sila’y mangagbalik mula sa kadiliman tungo sa liwanag, at mula sa kapangyarihan ni Satanas tungo sa Dios, upang sila’y tumanggap ng kapatawaran ng mga kasalanan, at ng mga mana sa kasamahan ng mga pinapaging banal sa pamamagitan ng pananampalataya na nasa akin.”   Mga Gawa 26:18

Ang mga alagad ay nagtanong rin noon  sa Panginoon “Sa gayon ay sinabi nga nila sa Kanya, Ano ang kinakailangan naming gawin, upang aming magawa ang mga gawa ng Dios? Sumagot si Hesus at nagsabi sa kanila, Ito ang gawa ng Dios, na kayo’y sumampalataya sa Kanya na kanyang sinugo.” (Juan 6:28-29)

9.Pwede bang manalangin kay Maria?

H

indi puwedeng manalangin sa kanya. Una, siya ay hindi naman Dios. Pangalawa, siya ay patay na at wala nang magagawa pa o kahit na makapakinig man lamang sa mga panalangin (Ecclesiastes 9:5-6; Job 7:9-10). Pangatlo, Dios lamang ang dinadalanginan (Filipos 4:6). Pang-apat, si Maria ay hindi makapangyarihan para makapakinig sa mga tao mula sa iba’t-ibang panig ng mundo. Ang panalangin ay ekspresyon ng pagtitiwala at dahil sa ito ay ginagawa sa tao kaya nagiging kasumpa-sumpa. Ang panalangin sa mga namatay na, o kahit sa mga tinatawag nilang Santo at Santa, ay katuruan lamang ng mga pari na hindi ayon sa Biblia (Papacy….).

Sa pahina 13 at 200 ay mababasa sa Pasyon na si Maria ay isang Intersesora, ibig sabihin “Tagapamagitan” na nananalangin. Sa mga pahinang ito rin hinihikayat nila na manalangin kay Maria (Pasyon p.4,81 ,204 at 205) pero ito ay hindi tama. Sa Salita ng Dios ang pananalangin sa

namatay na ay ipinagbabawal ng Dios (Deut.18:9-12).

10.Pwede bang gumawa ng imahen para kay Maria?

H

indi. Noon pa man ay ipinagbabawal na ng Dios ang pagawa ng mga imahen o larawang inanyuan (Exodo 20:3-6). “Ikaw ay huwag gagawa para sa iyong sarili ng anumang inanyuang larawan, o anumang katulad ng kahit anong bagay na nasa itaas sa langit , o nang nangasa lupa, o nang nasa tubig sa ilalim ng lupa: Ikaw ay huwag yuyukod ng iyong sarili sa kanila, ni paglingkuran sila: sapagkat Ako na PANGINOON mong Dios ay mapanibughuing Dios, na dumadalaw sa katampalasan ng mga ama sa kanilang mga anak hanggang sa ikatlo at ikaapat na salinlahi nila na mga napupuot sa akin;”Exo.20:4-5

Kahit pa ito ay para sa tunay na Dios o sa Panginoon ay hindi pa rin pwede (Isaias 44:9-20) lalo na sa mga hindi naman Dios o tinatawag na dios-diosan. Hindi ito ginawa ng mga alagad dahil ito ay kasuklam-suklam.

 “Kaya, mga minamahal, lumayo mula sa pagsamba sa dios-diosan.”1Co 10:14