Paano nagkaroon ng pagdiriwang ng Pasko?

Ang Kahulugan ng Pasko

Para sa maraming tao na naniniwala sa pagdiriwang ng Pasko ay sinasabi nila na ang kahulugan ng Pasko ay napakasimple, na ito ay nangangahulugang pag-ibig at pagbibigayan. Katulad ng pag-ibig ng Dios nang ibigay Niya sa mundo ang Kanyang bugtong na minamahal na Anak, ang ating Panginoong Hesus Kristo (Ito ang tinatawag na Unang Pagparito ni Kristo, ang Kanyang pagkahayag sa laman ayon sa Juan 1:14).

     Ang Salitang ‘Christmas’ sa sinaunang salita ay katumbas ng salitang  ‘Cristes-Maesse’ (mass of Christ o Misa ni Kristo) na siyang karaniwang ritwal ng mga Romano Katoliko. Ito ay unang ginamit noong taong 1038 at naging salitang ‘Cristes-Messe’ noong taong 1131. Sa Latin, ang salitang Pasko ay “Dies Natalis”, sa French “Noel”, sa Italiano “Natale”, sa mga Dutch “Kerst-misse”, sa mga German “Weihnachtsfest”, sa mga  Espaniol ay “Navidad” at para sa mga Filipino ay  “Pasko”.

Bago nagkaroon ng Pasko

Bago pa ipinanganak sa laman (o magkatawang tao) ang Panginoong Hesus  ay mayroon nang mga pagdiriwang na nauugnay tuwing ika-25 ng Desyembre. Ang mga Romano ay nagdiriwang ng ‘Saturnalia’ na isang pagpipista para sa pagkilala sa dios na si Saturn (na kanilang pinaniniwalaang dios ng agrikultura ayon sa Mitolohiya). Ang mga taga-Persia naman ay mayroong “Mithraism” na isang pagpipista para sa pagkilala kay ‘Mitra’ (ang anak ng dios). Para sa mga Romano si Mitra ay siya ring dios na araw na hindi magagapi. Sa ibang bahagi ng Europa ay kanilang pinagdiriwang ang “Yule” na kung saan sila nag-aalay ng mga malalaking troso o kahoy na susunugin para sa pagkilala sa kanilang mga dios at upang ang araw daw ay patuloy na magbigay ng liwanag.

      Noong taon naman na 137 A.D., ang isang pari (Obispo) sa Roma ay nag-utos sa pagdiriwang ng kapanganakan ni Kristo sa  isang matahimik na kapistahan. Noong 274 A.D. si Emperor Aurelian ng Roma ay pinili ang ika-25 ng Desyembre bilang kapanganakan ng dios-diosang si ‘Mitra’. Bago pa ang 336 A.D. ang mga kaparian ng Romano Katoliko ay ay pinagtibay na ang pag-alaala sa kapanganakan ni Kristo sa ika-25 ng Desyembre. Noong taong 350 A.D. isa na namang pari na si Pope Julius I ang nag-utos na sa ika-25 ng Desyembre ang Pasko ay dapat na ipagdiwang. Dito natin makikita ang pagpapasimula ng pagdiriwang ng Pasko na ayon sa utos ng isang paring Romano Katoliko.

{Para magkaroon kayo ng kaalaman sa Mitolohiya, o paniniwala sa maraming dios batay sa Myth o Fables ay basahin ang artikulong “Mythology”.}