Bakit hindi ito para sa mga kristyano?

1.Ito ay Paganismo at mula sa utos ng tao

     Ang Paganismo ay isang uri ng paniniwala na kung saan ang mga pinaniniwalaan ay ayon sa paniniwala ng mga Pagano. Ang mga ‘Pagano‘ ay naniniwala sa maraming mga dios o dios-diosan o kung ano yaong kinagisnan ng mga Hentil at hindi nakabatay sa Salita ng Dios. Ito’y  dahil ang mga Hentil noon ay wala namang Salita ng Dios na kinikilala sapagkat sa mga Israelita lamang ito ibinigay ng Dios (Roma 9:4) Ang ginamit na salita sa KJV ay salitang “heathen” (Levitiko 25:44;Mateo 6:7, 18:17, Mga Gawa 4:25; 2 Korinto 11:26; Gal.1:16,2:9, 3:8) na ginamit ng halos 145 na beses .

     Kaya ko nasabi na ang Pasko ay Paganismo sapagkat ni hindi naman sinasabi ng Salita ng Dios na ito ay ipagdiwang, at dahil hindi naman ito nagpasimula sa Salita ng Dios. Nakita natin batay sa kasaysayan na iniugnay lamang ng mga naniniwala sa ibang mga kapistahan at ibang mga dios ang ika-25 ng Desyembre at iniugnay din sa kapanganakan ni Kristo.

     Ayon sa sinabi ng Panginoon sa mga kausap Niyang mga Israelita, ang ginagawa nila ay ayon sa tradisyon o kautusan ng mga tao, at sa gayon ay hindi sila sumusunod sa Salita ng Dios.

 “Siya ay sumagot at nagsabi sa kanila, Mainam ang pagkahula sa inyo ni Isaias kayo na mga mapagkunwai, gaya ng nasusulat6, Itong mga tao ay kinikilala ako ng kanilang mga labi, subalit ang kanilang puso ay malayo sa akin.Datapuwat sa kawalang kabuluhan ay sinasamba nila ako, na nagtuturo ng kanilang mga aral na mga iniutos ng mga tao. Sa pagsasangtabi ng mga kautusan ng Dios, inyong pinanghawakan ang mga tradisyon ng mga tao, gaya ng paghuhugas ng mga paso at mga baso: at maraming iba pang mga bagay na katulad nito ang inyong ginagawa. At sinabi niya sa kanila, Buong inam ninyong itinakwil ang mga kautusan ng Dios, upang inyo nawang mapanatili ang inyong sariling mga tradisyon.” Mk.7:6-9

Kaya maaari na ang isang tao ay nagpupuri o kumikilala sa Dios, sumasamba sa Kanya, subalit sa paningin ng Dios ito pala ay walang kabuluhan. Kaya ang Pasko ay sa Paganismo kasi hindi ito mula sa Utos ng Dios at ‘di nakabase sa Salita ng Dios kundi sa utos ng mga tao na hindi kumikilala sa Salita ng Dios bilang batayan ng paniniwala.

     Mapapansin natin na sa kasaysayan ay mga kaparian lamang ang may gawa nito. Sa kasaysayan din ay pinaghalo lamang ng mga paring Romano Katoliko ang mula sa Paganong mga paniniwala sa paniniwala ng mga sinaunang Kristyano, at dahil sa Imperyalismo na umiiral noon kung saan nananakop ang mga Romano, ay naituro nila nang sapilitan ang kanilang paniniwala. At kung ito ay ayon sa Salita ng Dios at iniuutos ng mga kumikilala sa Kanya, bakit pa kailangang iutos pa kung ito ay iniutos na?

2 Walang utos sa atin na magdiwang ng Pasko

     Walang utos sa mga Kristyanong mananampalataya na ipagdiwang ang kapaskuhan. Subalit ang mababasa natin sa Galatia 4:8-11 ay ito,

 “Datapuwat nga, nang inyong ‘di pa nakikilala ang Dios, kayo ay gumagawa ng paglilingkod sa kanila na sa katutubo ay hindi naman mga dios. Subalit ngayon, pagkatapos na inyong makilala ang Dios, o ang mas mabuting sabihin na nakilala na kayo ng Dios, papaanong kayo ay muling babaling doon sa mga mahina at pangpulubing mga elemento , na kung saan inyong ninanais muli na mapasapagkaalipin?  Inyong pinangingilin ang mga araw, at mga buwan, at mga panahon, at mga taon.  Ako’y natatakot sa inyo, na baka ako ay nagbigay sa inyo ng pagpapagal sa walang kabuluhan.”

     Gaya ng mga Hentil na kinagawian ang paniniwalang Paganismo at ginagawa kung ano yong kanilang kinagisnan, at nang magkaroon na sila ng pagkakilala sa Dios, merong ilan sa kanila na nag-iisip muli ng dating gawain na ayon sa Salita ng Dios ay muling pagpapaalipin. Kabilang dito ang pangingilin na ipagdiwang ang Pasko. Noong hindi ka pa nananampalataya ay ginagawa mo na kasi ito, subalit gagawin mo pa ba ngayong nananampalataya ka na?

     Bakit ba sasabihing mananampalataya ka kung hindi rin lang naman batay sa pananampalataya ang iyong mga ginagawa? ‘Di ba’t ‘di na dapat pang umayon sa takbo ng mundong ito? ‘Di na dapat pang gawin ang mga gawang iniutos lamang ng tao at hindi ng ating Dios (Roma 12:1-2, Galacia 4:8-11, 2 Corinto 6:14-18 at Colosaas 2:16). Napapanahon ang sinabing katulad nito sa Mga Gawa 5:29 “ Sa gayon si Pedro at iba pang mga apostol ay sumagot at nagsabi, Kami’y nararapat sumunod sa Dios kaysa sa tao.” Kaya’t sinasabi pa,

“At huwag na kayong magsiayon sa sanlibutang ito, kundi kayo’y mag-iba sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Dios.” Rm.12:2

Si Kristo ang katotohanan at S’ya ang magpapalaya sa’yo (Juan 8:32, 14:6). Hindi Niya tayo nais na paalipin sa mga bagay na naglalayong ilihis tayo papalayo mula sa Kanyang kalooban.

3.Hindi natin makikita sa Salita ng Dios  ang Pasko

     Mahihirapan tayo na patunayan sa Salita ng Dios na itinuturo ang Pasko. Puwede siguro ang mga kaganapan kaugnay sa pagdiriwang gaya ng ipinanganak sa laman ang Kristo. Ilan pa sa makikita natin ay ang kagalakan ng mga pantas na mga tao (Mt 2:10) (yaong mga nag-aral ng mga bituin at ginawa ng marami na 3 Hari.), mga anghel na nag-aawitan (Lk.2:13-140) at mga pastol (Lk.2:8-20).  Mapapansin na ni isang Romano Katoliko noong Siya ay ipinanganak ay walang nagdiwang. At kung meron man na Romano ay si Herodes na hari na galit pa sa pagsilang ng Kristo kaya ipinapatay niya ang maraming mga bata (Mateo 2).

     Ang ibang mga nagsasabing mga mananampalataya ay nakakaunawa na na ang Pasko’y ‘di batay sa salita ng Dios, subalit kanilang ipinagpipilitan na sila raw ay ‘di naman nagdiriwang sa paraang katulad ng sanlibutan at Dios naman daw ang nakatatalos ng kanilang mga puso. Totoo, maging si Saul na hari ay may mabuting motibo sa pagsuway sa Dios. May babala na sa atin ang Salita ng Dios, “mag-ingat…”(1 Cor.3:10) Dahil si Satanas man ay nagkukunwaring anghel ng kaliwanagan (2 Corinto 11:14).

     Ang iba naman ay nagsasabing ito raw kasi ang isang magandang pagkakataon upang maipaliwanag ng tama ang mga bagay na patungkol kay Kristo. Pero hindi ganyan ang mababasa sa 2 Timoteo 4:2 “napapanahon man o hindi…” Ang iba naman ay nagsasabing sa kasaysayan daw ay maraming mananampalataya ang nagdiwang nito batay sa tinatawag na Michael Mass na ito naman ay batay sa kwentong kutsero ng mga Katoliko. Ayon pa sa kanila, ang basihan nila ay ang mababasa sa Juan 1:14. Subalit, kahit sina Pablo at labindalawang alagad ay walang nabanggit na katulad nito.  

     Sa Biblia, kahit pa ang Panginoong Hesu-Kristo ay hindi nagdiwang ng Kanyang kaarawan taon-taon. Hindi N’ya ipinag-utos ang pagdiriwang ng ganoong mga bagay kaya’t kahit mga alagad N’ya ay ‘di gumawa ng gano’n. Kahit sina Maria o mga alagad pa ng Panginoon ,na may mas malapit na kaalaman sa araw ng Kanyang kapanganakan,ay ‘di nagdiwang sa paraang ginagawa ng marami sa ngayon. Walang naitala sa kanilang kasaysayan na taon-taon nila itong ginagawa. Totoo, sila ay umawit, nagpuri at nagpasalamat, sumamba at naghandog, subalit sa Dios nila ito ginawa at ‘di sa tao at ‘di taonan gaya ng pag-alaala ng marami. Ang tunay na pag-alala ay ‘di nakabase sa taon, panahon o araw kundi sa naisin ng Dios. Para sa mga nag-aaral ng Biblia ay matutunan natin kung ano ang pamamaraan na ayon sa Salita ng Dios at ‘di ayon sa agos ng mundong ito, “Aking ipinamamanhik sa inyo samakatuwid, mga kapatid, sa pamamagitan ng mga kahabagan ng Dios, na inyong ialay ang inyong mga katawan bilang buhay na handog, banal, katanggap-tanggap tungo sa Dios, na siya ninyong makatuwirang paglilingkod.“ At huwag na kayong magsiayon sa sanlibutang ito, kundi kayo’y mag-iba sa pamamagitan ng pagbabago ng inyong pag-iisip, upang mapatunayan ninyo kung ano ang mabuti, katanggap-tanggap, at perpektong kalooban ng Dios.” Rm.12:1-2

4.Ibang Hesus (another Jesus) ang kinikilala ng Pasko.

     Kung ang pagkabuhay ng Panginoon mula sa mga patay ay ginawan nila ng maling kwento (Mateo 28:11-15, ganon din, sa pamamagitan ng pagdiriwang ng Pasko ay gumagawa rin sila ng maling kwento, sapagkat ito ay magtuturo ng ibang balita at ibang espiritu kung saan tayo ay binigyan na ng babala.“Sapagkat kung siya na dumarating ay mangaral ng ibang Hesus, na aming hindi ipinangaral, at kung inyong tanggapin ang ibang espiritu, na inyong hindi naman tinanggap, o ibang ebanghelyo, na inyong hindi tinanggap, inyo nawang pagtiisan siya.” 2 Kor.11:4                         

Kung kaya, ibang Hesus ang dala ng Pasko. Maging ang maraming Encyclopedia ay nagsasabing hindi sa ika-25 ng Disyembre ipinanganak si Kristo na ating Panginoon. Ito ay imbens’yon lamang ayon pa sa Encarta 2005 Encyclopedia. Bawat Encyclopedia rin na mababasa mo ay puro posibilidad lamang ng araw ng kapanganakan ang ibinibigay o kaya’y ang mga personalidad na nagpasimula ng ganoong pagdiriwang. Suriin pa natin.